Sa Timog-Silangang Asya, patuloy ang pakikibaka para sa healthcare sustainability pagkatapos ng Covid

Ang pandemya ay nagbigay-diin sa medical waste na dulot ng mga ospital na napugpog ng trabaho. Ang mga pagsisikap ng sektor ng pangkalusugang pangangalaga o healthcare para sa “decarbonisation” ay patuloy na nahahadlangan ng gastos, mga kinagawian, at kakulangan ng datos.

Covid-19 medical workers vaccine Philippines
A Covid-19 vaccination station in the Philippines. The pandemic resulted in a sharp increase in the use of one-time medical equipment. Image: Flickr/ Asian Development Bank.

Read in English here.

Nakahinga nang maluwag ang buong mundo ilang buwan makalipas ang pagpasok ng taong 2023, noong tinanggal ang Covid-19 mula sa pagiging isang global health emergency o pandaigdigang krisis ng pangkalusugan.

Ang vaccination at test centers, na mabilisang itinayo sa iba’t ibang panig ng mundo, ay tinanggal pagkalipas ng tatlong taon, habang unti-unting nawala ang mga nagtamo ng Covid-19 infection sa panahon ng taglamig. Sandamakmak na medical wastesyringes, mask, scrubs – ang sinunog at itinapon sa landfills. Marami din dito ang mga napunta at naikalat sa mga ilog at karagatan.

Habang binibilang ng mga bansa ang mga pinsalang natamo at naglalatag ng mga plano upang palakasin ang mga sistemang pangkalusugan, marami rin ang nangakong dodoblehin ang pagsisikap upang mapanatiling matatag ang propesyong pangkalusugan.

Ang napakalaking epekto ng pangkalusugang pangagalaga o healthcare sa kapaligiran ay matagal nang pangamba bago pa man dumating ang pandemya. Isang ulat noong 2019 ang natuklasan na ang nasabing sektor ang nagdagdag ng higit sa 4 porsyento ng global emissions – higit pa sa kontribusyon ng ibang sektor tulad ng shipping o transportasyong pandagat (3 porsyento), aviation o transportasyong panghimpapawid (2 porsyento), at hotels (1 porsyento).

Sa mabilis na lumalago ngunit salat sa pera na Timog-Silangang Asya, ang pagpapalakas ng healthcare habang iniintindi ang mga kalat na dulot nito ay maaaring humantong sa tagisan ng iba’t ibang aspeto ng sustainable development — ng kapakanan ng tao at ng kapaligiran – laban sa isa’t isa.

Sa kasalukuyan, ang healthcare sa Timog-Silangang Asya ay hindi malaking tagapag-ambag ng greenhouse gas. Ang anim na pinakamalaking merkado, Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam, ay naglabas ng 63 milyong tonelada ng emissions noong 2014, o 3 porsyento ng industriya sa buong mundo. Ang Indonesia ay may isa sa mga pinakamababang medical emissions kada tao sa mundo.

Ngunit ang paglago ng emissions ng healthcare ay kalimitang kaakibat ng paglaki ng kayamanan ng bansa; Ang ekonomiya ng Timog-Silangang Asya ay lumaki ng 50 porsyento sa siyam na taon. Kung ikukumpara, ang healthcare ang bumuo sa 8.5 porsyento ng emissions sa Estados Unidos.

Sinabi ng mga eksperto sa rehiyon na ang pagtulak sa mga matitipid na ospital pagdating sa sustainability ay nananatiling malaking hamon matapos ang pandemya. Habang ang ilan ay nakahanap ng magandang halimbawa ng business cases sa pagbawas ng basura at paglipat sa gamit ng clean electricity o kuryente na hindi gumagamit ng fossil fuels, ang pagpapalawak ng mga ganitong gawain ay nangangailangan ng mas malakihang pagbabago sa operasyon ng ospital, ayon sa kanila.

At dahil ang ilang aspeto ng healthcare – mga operating theatres, malalakas na scanners at iba pa – ay sadyang malakas komunsumo ng kuryente, ang mga kinagawian at kakulangan ng datos ay maaaring humadlang rin sa decarbonization o ang pagpapababa at pagtanggal ng carbon dioxide sa atmosphere ng mundo .

Business case 

“Karamihan sa mga public health system o mga pampublikong institusyon ng pangkalusugan ng Timog-Silangang Asya ay walang sapat na pondo upang magpatuloy sa normal na mga antas ng pamamalakad [pagkatapos ng Covid-19]. Ang pagkumbinsi sa kanila na magsagawa ng decarbonization work habang may limitadong pondo ay makikitang isang hamon,” sabi ni Manjit Sohal, ang Regional Climate Manager sa sangay ng Health Care Without Harm sa Asya.

Dahil dito, ang global non-profit ay tumutulong sa mga ospital upang makahanap ng mga paraan kung saan ang sustainability ay maaari ring makatipid ng pera. Sa Timog-Silangang Asya, ang mga ito [non-profits] ay nagsusulong ng mga hakbang tulad ng paglipat sa energy-efficient na mga ilaw at paggamit ng solar energy, kung saan ang mga upfront investment ay maaaring mabawi di kalaunan sa pamamagitan ng mas mababang power bills.

“Kailangan mo talagang bigyan [ang mga ospital] ng magandang business case kung bakit dapat nilang tanggapin [ang ilang mga hakbang],” sabi ni Sohal.

COVID-19 Frontline Health Workers Thailand

Ang mga healthcare workers sa pangmedikal na mga damit sa Thailand Bamrasnaradura Infectious Disease Institute sa panahon ng pananalasa ng Covid-19. Image: Flickr/ UN Women Asia and the Pacific.

Ang paghahanap ng mga paraan sa pagtitipid sa linya ng sustainability ay isang bagay na pinagtagumpayan ng Mary Johnston Hospital, isang pasilidad na may 120-bed sa lungsod ng Maynila sa Pilipinas.

Sa kasagsagan ng pandemya, ang ospital ay nag-sanitize at gumamit ng mga medical protective gears hanggang tatlong beses bago itapon, sa panahon na ang ilang kagamitan ay sadyang napakasalat at mas kalimitang matagpuan sa black market na may triple ng orihinal nitong presyo.

Sa mga nakaraang taon, ang mga humigit-kumulang isang libong solar panels sa bubungan nito ay nakapagbigay din ng hanggang 35 porsyento ng mga pangangailangan sa kuryente ng ospital. Ang naturang institusyon ay nakatipid ng 5 hanggang 10 porsyento na siyang nagamit sa pagpondo ng lunas para sa mga pasyente ng HIV at tuberculosis.

“Naghahanap kami ng paraan upang mapagsabay iligtas ang kapaligiran at ang mga tao,” sabi ni Dr Glenn Paraso, ang Executive Director ng ospital.

Ang mga photovoltaic panels ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱27 milyon (US$480,000), na siyang binayaran ng ospital sa loob ng limang taon, ngunit ang mga matitipid ay mararamdaman sa 25 taon, na siyang haba ng buhay ng mga panels, sabi ni Paraso. Ang ilan sa mga cells ay dulot ng mga partnerships at donasyon mula sa mga network ng simbahan kung saan bahagi ang nasabing Methodist hospital.

Ang iba pang mga pagtatangka sa sustainability ay naging mas mahirap. Sinubukan ng ospital ng Mary Johnston na palitan ang mga plastic intravenous (IV) drip bags ng reusable glass na uri, ngunit ang kapital na kailangan ay magdodoble para sa mahalagang gamit na ito.

“Ano ang magagawa ko? Maaari ba akong magpasa [ng gastos] sa aming mga pasyente?” sabi ni Paraso.

Ang paglipat sa mas sustainable na mga kagamitan ng ospital ay maaaring maging makabuluhan - mahigit sa 70 porsyento ng mga emissions ng healthcare sa buong mundo ay nagmumula sa “Scope 3”, o mga hindi direktang pinagkukunan ng supply chain.

Maliban sa mga bote ng IV, ang mga reusable na kagamitan – mga scalpel, syringe, tweezers – ay nananatiling ginagamit sa rehiyon, sabi ng mga eksperto sa Eco-Business, bagaman ito ay mabilis ring napapalitan ng mga katumbas nitong disposable plastics, at ng mga kit na ginagamit lamang ng isang beses, na mas mura at mas madaling gamitin para sa mga doktor.

Kailangan din ng mas malalaking pagbabago sa pamamalakad kung mas maraming doktor ang magbabalik sa paggamit ng mga reusable. Habang ang mga klinika na malapit sa mga kabahayan ay maaaring mag-sanitize ng maliliit na tool gamit ang mga autoclave - mga medical pressure pot para sa pagpatay ng mga germ - ang mas malalaki, odd-sized, at mas sterile na kagamitan, liban sa pagkakaroon ng mas maraming gamit na lilinisin, ay mangangailangan na magtayo ng mas sentralisadong mga sterilisation center, ipinaliwanag ni Dr Louis Tan, Chief Executive ng StarMed Specialist Center sa Singapore.

Disposable medical kit

Ang mga gamit pang-medikal ay unti-unting binebenta bilang mga one-time kits. Ang mga reusable na uri nito ay matatagpuan pa rin sa merkado ngayon, ngunit mas mahal at unti-unting nagiging limitado. Image: Pxhere.

Kawalan ng datos 

Maraming lumitaw na mga medical trend sa panahon ng Covid-19 pandemic, isa na dito and telemedicine – na siyang nagpapababa ng mga masasamang dulot ng healthcare sa kalikasan.

Sinimulan itong ialok upang mabawasan ang pagdami ng mga tao sa ospital noong pandemya, at siyang kinasanayan ng mga pasyente lalo na sa paggamit ng video calls sa mga doktor para sa mga hindi malalang karamdaman at sa simpleng mga konsultasyon mula sa bahay. Ang mga gumagamit ng mobile healthcare application ay na-doble sa Singapore mula 2020 hanggang 2022, ayon sa ulat ng consultancy ng Bain & Company. Ang mga emerging markets tulad ng Thailand at Pilipinas ay nagpakita ng mas malalaking pagdami sa gamit ng mga nasabing application na may higit sa 11 at walong beses, ayon sa pagkakabanggit.

Ang ideya ay ang mga emissions ng Scope 3 ng mga ospital ay bababa kung sila ay makapigbibigay ng mas maraming serbisyo ng telemedicine, dahil mas kaunti ang mga pasyenteng magba-byahe papunta sa mga doktor. Ngunit nakita rin ni Tan ang kaukulang pangangailangan sa mas maraming serbisyo ng transportasyon para sa paghahatid ng mga gamot.

“Ang mga inihahatid na medical items ay nakapaloob sa maraming packaging, at ang [biyahe papunta] sa mga tahanan ng mga pasyente ay maaaring para lamang sa ilang tableta, o isang bote ng gamot sa ubo. Sa tingin ko, ito ay nagsisimula nang lumitaw bilang isang potensyal na problema,” sabi ni Tan.

Ang mas malaking problema, ipinaliwanag ni Tan, ay nakasalalay sa pagtukoy kung ang mga bagong hakbang sa sustainability ay tunay na epektibo para sa kapaligiran at kaligtasan ng pasyente – kabilang ang mga sitwasyon kung saan ang mga reusable na tool ay tinatanggap, o may kaakibat na ibang sistema.

Ang ganitong impormasyon ay nangangailangan ng mga pamantayang pang-industriya at mas detalyadong pananaliksik, mga bagay kung saan hindi handa ang mga institusyon ng healthcare. Higit pa rito, ang industriya ng medikal ay nakabatay sa hard data (datos na maaring masukat at mapatunayan) at ebidensya, sabi ni Tan.

“Kung mayroon kang impormasyon [ng safety at sustainability], walang problema. Ngunit madalas sa hindi, ang mga bagay ay nagbabago, at kung ikaw ay nasa unahan ng pagbabagong iyon, ang datos [ay hindi makikita]. Ito ang dahilan kung bakit minsan ang healthcare ay mas matagal makahabol,” sabi niya.

Upang malutas ang suliranin ng accounting, ang Health Care Without Harm ay gumawa ng isang online calculator na nakaakma para sa mga institusyong pangmedikal, na may gabay para sa mga ospital upang sukatin, halimbawa, ang pag-commute ng pasyente, ang paggamit ng anaesthetic vapors (ilan dito ay malalakas na greenhouse gases), at pagkuha ng mga pharmaceutical na gamit.

Ang nasabing non-profit ay nagsimulang magsanay ng mga medical professional sa Timog-Silangang Asya upang gamitin ang calculator noong nakaraang taon, at humigit-kumulang 200 na mga empleyado mula sa 120 institusyon ang dumaan sa kurso.

“Pagdating sa kung sino talagang nag-uulat … ito ay patuloy na ginagawan ng paraan dahil ang pagkuha ng datos ng greenhouse gas ay tumatagal ng maraming oras,” sabi ni Sohal.

Ngunit iginiit niya na ang kakulangan ng datos ay hindi maaaring maging batayan para sa kawalan ng aksyon.

“Kung titingnan mo ang isang ospital, agad mong masasabi kung ano ang maaaring mapabuti. Hindi mo kailangan ng mga numero para masabi mo ito. Ang mga numero ay tutulong sa iyong alamin kung alin ang dapat unahin at sulitin ang mga epekto ng iyong pagsisikap, ngunit [ang kakulangan nito ay] hindi dapat pumigil sa iyo sa pagkilos,” sabi niya.

Sumasang-ayon si Tan na may mga halatang hindi mabisang gawain na dapat ayusin sa pamantayan ng medikal na pagsasanay - tulad ng pagrereseta sa mga pasyente ng higit pang gamot at mga refill na hindi na kinakailangan.

Kakaunting mga kasosyo

Binanggit ni Paraso, ng Mary Johnston Hospital, na ang pagkakaroon ng mas maraming mga ospital para sa mga hakbang sa sustainability ay maaaring makatulong din - tulad ng kung ang kolektibong grupo, na may mas malaking kapangyarihan sa pagbili, ay makikipagtawaran para sa mas mababang presyo ng reusable na mga medical tool mula sa kanilang mga supplier.

Ngunit ang paghahanap ng mga kasamahan sa healthcare na may parehas na pag-iisip ay maaaring maging hamon. Habang mas maraming mga ospital ang tumitingin sa mas epektibong paggamit ng mga ari-arian, kakaunti ang nagtaga sa bato ng kanilang mga pangako at layunin.

Sa kampanya ng United Nations’ Race to Zero, kung saan ang mga negosyo at lokal na mga gobernador ay nangako ng aksyon tungo sa net-zero emissions ng 2050, tanging 81 lamang sa mahigit sa 12,500 na mga institusyong dumalo ang nasa sektor ng healthcare. Sa kabilang banda, mayroong 662 na mga financial firm na sumali sa kampanya, kasama ang mahigit sa 1,100 na mga pamahalaang lungsod.

Ang Mary Johnston Hospital ay isa sa limang mga ospital sa Timog-Silangang Asya na kasali sa Race to Zero initiative, kasama ang Saint Paul’s Hospital sa Iloilo (Pilipinas), Khoo Teck Puat Hospital (Singapore), Sunway Medical Centre Velocity (Malaysia), at Syamsudin Hospital (Indonesia).

Ang mababang pagsali ng mga ospital ay maaaring bahagyang maipaliwanag ng mahigpit na patakaran. Nais ng kampanya ng Race to Zero na ang mga miyembro ay magkaroon ng detalyadong mga plano ng aksyon at mag-ulat ng progreso taun-taon – mga bagay na dapat simulan ng Mary Johnston Hospital sa lalong madaling panahon.

Nais ng kampanya na ang mga miyembro ay nakatuon sa pagpapababa ng emissions hanggang sa kalahati pagdating ng 2030 at pag-abot ng net-zero sa 2050 – ang pinakamahusay na paraan upang panatilihing nasa ilalim ng 1.5°C na safety threshold ng global warming, ayon sa mga dalub-agham o siyentipiko.

Kinikilala ni Paraso na ang mga layuning ito, sa kasalukuyan, ay hindi kayang maabot – na may pinakamataas na 10 porsyento na mababawas na emissions pagdating ng 2030. Ngunit sinabi niya na ang pagsali sa kampanya ay tungkol sa pagkakaron ng pananagutan at paggawa ng nasusukat na progreso.

Ang sektor ng pangkalusugan ay may mas mataas na moral na responsibilidad, dahil mayroong Hippocratic Oath na nagsasabing huwag gumawa ng anumang pinsala. Dapat itong lumawak lampas sa mga pasyente, patungo sa kapaligiran na nakakaapekto sa kalusugan ng pasyente.

Manjit Sohal, Regional Climate Manager, Health Care Without Harm Asia

Sa pambansang antas, ang Laos, Timor Leste, at Indonesia ay kabilang sa 66 na mga bansa na nangakong gagawing mas sustainable ang kanilang mga sistemang pangkalusugan sa COP26 Climate Conference noong 2021, na ginanap sa gitna ng pandemya. Sinabi ng Laos na ito ay magpapababa hanggang sa kalahati ng healthcare emissions pagdating ng 2030.

Kahit sadyang naging problema, tinulungan ng Covid-19 ang mga mambabatas na kumilos para sa sustainability, sinabi ni Sohal ng Health Care Without Harm. Ang mga kagawarang pangkalusugan sa buong Timog-Silangang Asya ay may “pangkalahatang kamalayan”, sabi niya, bagaman hindi lahat ay alam ang kanilang tiyak na carbon footprint o kabuuang carbon emissions sa mga naturang aktibidad. 

Ano ang susunod?

Sa ngayon, marami sa mga maaaring aksyon sa sustainability ay nakasentro sa renewable energy, pagbawas ng basura, at pagpapabuti ng mabisang pamamalakad. Ang mga bagong solusyon, tulad ng mas mahusay na pagpaplano ng ospital gamit ang artificial intelligence at medical gases na may mas mababang epekto sa klima, ay natatanaw.

Kailangan ng pinaigting na suporta ng gobyerno upang lalong palawigin ang magagawa ng mga ospital, sabi ni Paraso. Ang mga solar panel ay dapat ring mas maging epektibo, upang lalo pang mabawasan ang pangangailangan para sa fossil-based na kuryente, idinagdag niya.

At dahil ang isang pangunahing prinsipyo ng sustainability ay nakasalalay sa pangkalahatang kalusugan ng mga susunod na henerasyon, ang laki ng responsibilidad na inaako ng mga doktor para sa kanila - at hindi lamang sa kasalukuyang mga pasyente - ay maaaring maging mahalaga rin.

Ilang mga environmental advocacy group sa mga pangmedikal na komunidad ang nagbabanggit ng Hippocratic Oath sa kanilang mga kampanya, isang propesyonal na pangako na ginagawa ng mga doktor upang panatilihin ang mga pamantayang etikalat hindi paggawa ng anumang pinsala sa mga pasyente.

Sinabi ng Health Care Without Harm na dapat palawakin ang panunumpa sa “mga tao at kapaligiran sa pagtagal”. Idinagdag ni Sohal na ibig sabihin nito na ang sektor ng kalusugan ay may mas malaking tungkulin kaysa sa iba pang mga komersyal na sektor upang mag-decarbonize.

Ito ay isang mensahe na maaaring mangailangan ng mas malaking panawagan sa Timog-Silangang Asya – ang ugnayan sa pagitan ng Hippocratic Oath at sustainability ay hindi karaniwang napag-uusapan sa mga trabaho ni Tan, sabi niya.

“Palagay ko sa antas ng pagtatrabaho, sa ospital o komunidad, ang ideyang ito ay hindi isang bagay na marami sa amin ang may kamalayan,” idinagdag niya.

Like this content? Join our growing community.

Your support helps to strengthen independent journalism, which is critically needed to guide business and policy development for positive impact. Unlock unlimited access to our content and members-only perks.

Terpopuler

Acara Unggulan

Publish your event
leaf background pattern

Transformasi Inovasi untuk Keberlanjutan Gabung dengan Ekosistem →