Sa pagsusunog ng fossil fuel, tumitindi ang tag-init sa Asya at alanganin na transisyon

Tumataas ang demand sa gas at coal sa Timog at Timog-Silangang Asya, dala ng paghahanap ng mga pamahalaan ng sapat na enerhiya upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa air-conditioning. Mataas ang presyo ng mga makakalikasang solusyon at hindi tiyak ang pagpapatupad ng mga polisiya, ayon sa mga eksperto.

Hanoi air con [Tagalog]
Inaayos ng mga manggagawa ang isang air-conditioning unit sa Hanoi, Vietnam. Nakaranas ng temperaturang lagpas sa 35°C noong simula ng Mayo, habang higit sa 44°C ang temperatura sa isang distrito sa hilaga. Larawan: Eco-Business/ Liang Lei.

Babad sa air-conditioning ang guro na si Gian Bermudo sa kaniyang bahay noong simula ng Abril dahil sa isang mahalumigmig na heat wave na bumalot sa siyudad ng Iloilo sa gitnang bahagi ng Pilipinas.

Aabot sa 52 porsiyento ang kontribusyon ng mga planta ng coal at oil sa installed power capacity sa naturang rehiyon sa bansa. Hindi sigurado si Bermudo, 31 taong gulang, sa laki ng kaniyang carbont footprint, ngunit nababahala siya sa labis na paggamit niya ng ar-conditioning dahil sa posibleng kontribusyon nito sa pagbabago ng klima o climate change.

Nararamdaman ito ni Bermudo kahit na kailangan ito para sa kaniyang kalusugan. Nanatili siya sa ospital ng isang linggo nang atakihin siya ng hika dulot ng mainit na panahon, na sinabayan ng tatlong araw na walang kuryente.

Dahil sa paglagpas sa 45°C ng temperatura sa Timog at Timog-Silangang Asya sa nakalipas na mga linggo, nahihirapan ang mga pamahalaan na tugunan ang labis na pagtaas ng demand sa kuryente, lalo na’t kailangan ng mga mamamayan ng air-conditioning. Mahigit 12 tao ang namatay dahil sa init sa India, Malaysia, at Thailand.

Upang rumesponde sa mga isyu sa pampublikong kalusugan, umaasa ang maraming opisyal ng gobyerno sa mga fossil fuel. Ayon sa ulat ng commodity analyst na S&P Global, tumaas ang demand para sa gas sa Thailand, Bangladesh, at India noong Abril. Umaangkat ang Asya nang mas maraming coal at langis galing sa Russia noong nakaraang buwan, ayon sa ulat ng Bloomberg base sa datos ng Kpler.

Isa itong pamilyar na pangyayari sa pagtama ng heat wave, pero mas titindi ang dalang panganib sa paglala ng pagbabago ng klima.

Nag-aalala ang mga eksperto na lalong magdedepende ang mga pamahalaan sa mga fossil fuel at hihina ang pagsusulong ng imprastrakturang base sa mas malinis na enerhiya. Bagama’t lumalaki ang kapasidad ng solar at wind sa mga nakalipas na taon, naniniwala ang ilang analitiko na kulang pa rin ito sa pagtama ng matitinding heat wave.

“Nag-aalala ako na dahil sa heat wave, at base sa naoobserbahang pagbabago sa imprastraktura [sa enerhiya], lalong sasandal ang mga bansa sa rehiyon sa coal”, ayon kay Dr. Victor Nian, chief executive ng Singapore thinktank na Centre for Strategic Energy Resources (CSER).

Humigit-kulang 60 porsiyento ang ambag ng coal at gas sa enerhiya ng buong Timog-Silangang Asya. Mura man ay dumadagdag sa polusyon ang mga nasabing fossil fuel, at ang pagtindi ng pagkadepende sa kanila ay lalong magpapalala sa pagbabago sa klima at mga darating na panahon ng matinding tag-init. Ang lumipas na heat wave sa Asya ay 30 beses na mas posibleng mangyari sa hinaharap at 2°C na mas mainit dahil sa nasabing krisis.

Kumpara sa mga mayayamang bansa, hindi nasa Timog-Silangang Asya ang climate burden o pasan na responsibilidad na bawasan ang kanilang ibinubugang polusyon, ayon kay Nian. Kahit na mayroong ipinangakong net-zero emissions ang Thailand at Vietnam, nakaplano silang mag-angkat ng mas maraming gas sa mga susuno na dekada, habang nakadepende pa rin ang Indonesia at Pilipinas sa coal.

Bunga rin ang ilan sa mga naturang isyu ng mismong katangian ng likas-kayang enerhiya o renewable energy (RE) at ang heograpiya ng Timog-Silangang Asya. Depende ang enerhiyang wind at solar sa kalagayan ng panahon, at posibleng maging mainit pero maulap sa Timog-Silangang Asya na makaaapekto sa kuryenteng nililikha ng mga solar panel, sabi ni Nian.

Samantalang posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig sa mga hydropower dam, na responsable sa karamihan ng RE sa Timog-Silangang Asya, dala ng mga heat wave. Sa Vietnam, nasa “dead level” ang 10 dam noong May at nagresulta sa kawalan ng nalilikhang enerhiya, ayon sa nagpapatakbong kumpanya na pagmamay-ari ng gobyerno.

Bilang tugon, kailangang paramihin ang pagkukunan ng malinis ng enerhiya at dagdagan ang kapasidad sa paglikha ng kuryente, sabi ni Marc Allen, isang energy consultant at co-founder ng climate-tech platform na Unravel Carbon.

Maaaring tugunan ng RE ang peak demand sa mga maiinit na araw, pero kailangan rin ng sapat na kapasidad sa pag-iimbak ng kuryente, dagdag niya. Maaaring bigyan ang mga regulator ng mas mataas ng kakayahang umangkop sa posibleng pasulpot-sulpot na paglikha ng kuryente galing sa RE, gamit ang mga teknolohiya katulad ng malalaking baterya at pumped-storage hydropower, kung ssaan pinupunan ang mga reservoir ng tubig gamit ang sobrang kuryente.

Subalit maaaring masyadong mataas ang presyo ng mga nabanggit na teknolohiya para sa mga merkado ng Asya. Halimbawa, aabot sa USD300 ang presyo ng isang kilowatt-hour ng enerhiyang nasa baterya, batay sa energy research firm BloombergNEF, kumpara sa higit na mas murang presyo kung manggagaling mismo sa RE ang kuryente.

Nakasaad sa 10-year power development plan ng Vietnam na aabot lamang sa 0.3 gigawatt (GW) ang kapasidad ng mga baterya sa Vietnam, mas maliit kaysa sa 41GW ng enerhiyang solar and wind. Mag-aambag ng karagdagang 2.4GW ang pumped-storage hydropower.

Posibleng masyado ring mahal ang malawakang paglalagay ng mga solar panel sa bawat bahay sa Timog-Silangang Asya para siguruhin ang suplay ng kuryente. Sinabi ni Bermudo na gagastos siya sa pagitan ng PHP100,000 at PHP300,000 (USD1775 at USD5324) para maglagay ng solar panel.

“Hindi ito abot-kaya kahit sa mga middle-class na tao,” sabi ni Bermudo.

“Sa ngayon, maganda na mayroong [mga solar panel]. Siguradong mas marami ang bibili ng solar panel kung mas mura ito”, dagdag niya.

Upang tugunan ang problema sa presyo, kailangang ilipat ang subsidiya ng mga pamahalaan mula fossil fuel papunta sa RE, ayon kay Lidy nacpil, coordinator ng grupong pangadbokasiya na asian Peoples’ Movement on Debt and Development (APMDD).

Iginiit niya na hindi makabubuti ang patuloy na malakihang paggamit ng mga fossil fuel dahil sa mabilis na pagbabago ng kanilang presyo at pagkontrol ng iilang korporasyon ng merkado para sa mga nasbaing produkto. Hindi rin kayang bumili ng maraming residente sa Asya ng air-conditioner dahil sa mahal na presyo ng kuryente.

Sa kasalukuyan, mababa ang presyo ng gas sa Asya dala ng mababang demand ng mga malalaking bansa kagaya ng China, Japan, at South Korea. Bumabalik na rin ang presyo ng coal sa nibel noong 2019, bago ang pagtama ng COVID-19 pandemic.

Inaasahan ni Nacpil na gagamiting dahilan ng mga pamahalaan ang heatwave upang iwasan ang pagsusulong sa paglago ng RE, kung ikokonsidera rin ang usapin ng pampublikong kalusugan.

“[Ngunit] hindi ko nakikita kung bakit hindi sigurado ang ilan [sa transisyon]. Kailangang sabay ang pag-iwas sa mga fossil fuel at pag-usbong ng mga renewable”, ayon kay Nacpil. Mas mabilis magpatayo ng mga plantang RE, sa simula lamang magiging mahal ang mga ito, at kaya nitong tugunan ang demand sa kuryente sa hinaharap, dagdag niya.

Maingat na pagbabawas ng demand

Sa tindi ng paggamit ng kuryente, naghahanap ng solusyon ang maraming bansa sa Asya upang agapan ang mga blackout. Sa Vietnam, binawasan ang oras ng pagpapatakbo ng mga street light; umapela rin sa mga residente ang mga power regulator sa rehiyon na magtipid sa paggamit ng mga kagamitan sa bahay.

Ngunit maaari itong magpatindi ng nakaambang panganib sa maraming komunidad, lalo na sa mga pinakabulnerable. Ayon sa isang pag-aaral sa Japan, nagdulot ng 7710 na maagang pagkasawi bawat taon ang mga polisiya sa pagtitipid ng kuryente sa naturang bansa mula ng nuclear disaster noong 2011. Karamihan sa mga kaso ay posibleng may kinalaman sa mainit na panahon dahil mas kaunti ang paggamit ng air-conditioning.

Gayunpaman, kailangan bumuo ang mga gobyerno ng malinaw na plano kung saan at paano babawasan ang paggamit ng kuryente kung may kakulangan sa suplay, ayon kay Allen. Ginamit niyang halimbawa ang pagpopondo ng Australia ng mga malalaking industriya na hindi muna patakbuhin ang ilang imprastraktura kapag mataas ang demand sa kuryente. Inilunsad ng Singapore ang kahalintulad na programa noong nakaraang taon, dala ng mahal na presyo ng mga fuel.

Dapat pagtuunan ng pansin ang energy efficiency at tamang pagtatapon ng mga coolant, sabi ng ilang eksperto sa Eco-Business.

Binanggit ni Allen na ang mga refrigerant na pinakamadalas na ginagamit ngayon ay matitinding greenhouse gas – aabot sa 14800 na beses na mas matindi ang mga hydrofluorocarbon sa pag-iinit ng mundo kumpara sa carbon dioxide. Maaring magkaroon ng pagtagas kung itatapon ang mga kagamitan na mayroon pang lamang mga kemikal.

Kailangan ng subsidiya mula sa pamahalaan upang tulungan ang mga mamamayan na lumipat sa kagamitang mas matipid ang pagkonsumo ng kuryente, sabi ni Nacpil. Idinagdag niya na ang mga mas makakalikasang air-conditioner sa Pilipinas ay aabot sa USD200 na mas mahal – na lagpas sa kayang ibayad ng maraming pamilya.

Sinabi ni Bermudo na dapat pondohan ang paglalagay ng mga electric fan sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Nagbabala ang mga eksperto sa Asya ng paulit-ulit na mga heat wave sa mga susunodd na buwan, dala ng El Niño na nagbabawas ng pag-ulan sa rehiyon.

Sa ganitong katunayan, may makikitang pagtutunggali sa pagitan ng pulitika at polisiya, ayon kay Nian. May “intuwisyon” na kailang pabilisin ang transisyon patungo sa mas malinis na enerhiya, pero mayroon ring pagbabalik sa tradisyunal na mga hakbang sa panahon ng krisis, dagdag niya.

Read the story in English here.

Like this content? Join our growing community.

Your support helps to strengthen independent journalism, which is critically needed to guide business and policy development for positive impact. Unlock unlimited access to our content and members-only perks.

最多人阅读

专题活动

Publish your event
leaf background pattern

改革创新,实现可持续性 加入Ecosystem →