Ang Timog-Silangang Asya ang natatanging rehiyon sa buong mundo kung saan lumaki ang bahagi ng coal sa produksyon ng enerhiya. Ngunit ayon sa bagong datos ng Global Energy Monitor (GEM), isang non-government organization na nakabase sa San Francisco, may mga senyales na ng paghina ng industriya ng coal sa rehiyon.
Sa unang anim na buwan ng 2019, tanging ang Indonesia, ang panlimang pinakamalaking producer ng coal, ang nagtayo ng mga bagong planta ng coal.
Maaaring mabawasan ang panrehiyong pipeline ng coal sa ikalawang sunod na taon. Mula sa 2,744 MW noong 2018, aabot lamang sa 1500 MW ng coal ang sinimulang itayo sa unang anim na buwan ng 2019.
Nasa Timog-Silangang Asya ang tatlo sa 10 pinakamalaking kapasidad ng coal na nakatakdang itayo sa buong mundo, ngunit ipinapahiwatig ng humihinang bilis ng pagtatayo na hindi maitutuloy ang konstruksyon ng malaking bahagi ng naturang kapasidad, ayon sa GEM.
Hindi lamang humihina ang pagtatayo ng mga planta ng coal sa Timog-Silangang Asya, bumaba rin ng 52% ang bilang ng mga planta sa yugtong pre-construction mula sa kalagitnaan ng 2015 hanggang sa kalagitnaan ng 2019.
Dagdag pa ng GEM na dahil sa pagkaunti ng mga proyektong coal na umaabot sa yugto ng konstruksyon, kung patuloy ang kasalukuyang kalakaran, karamihan sa 53,510 MW na nasa pre-construction ang maaaring kanselahin.
Ayon kay Ted Nace, executive director ng GEM, ang bagong konstruksyon ng planta ng coal ay “isang acid test kung ang isang panukalang proyekto ay totoo o plano lamang sa papel”.
“Upang tumuloy sa konstruksyon, kailangang makakuha ka ng daan-daang milyong dolyar. Sa Timog-Silangang Asya, nagmumukhang mas mahirap na makumbinsi ang sinumang maaaring pagmulan ng ganoong kalaking pera”, ayon sa kaniya.
Ipinapahiwatig din ang paghina ng sigasig para sa mga bagong operasyong may kinalaman sa coal sa Timog-Silangang Asya ng pag-aatubili ng mga bangko sa rehiyon sa pagpopondo ng mga bagong planta. Sa loob lamang ng 11 araw noong Mayo, ipinahayag ng tatlong pinakalamalaking bangko sa rehiyon, ang OCBC, DBS, at UOB ng Singapore, na ititigil na nila ang pagpopondo ng coal matapos makakuha ng patuloy na batikos mula sa mga grupong nagtataguyod ng kapaligiran.
Tumugon ang mga bangko ng rehiyon sa pandaigdigang pag-iwas sa pagpopondo ng coal, kung saan nabawasan ng 20% ang bilang ng mga bagong planta ng coal noong nakaraang taon dahil sa aksyon ng mahigit 100 institusyon.
Kahit Indonesia lamang ang kasalukuyang sumusuporta para sa bagong paggamit ng coal sa Timog-Silangang Asya, ang pagbaba ng presyo ng naturang produkto ang nag-udyok kay Pangulong Joko Widodo ng Indonesia na ipahayag na magsisimula nang magtransisyon ang bansa mula sa coal patungo sa renewable energy.
“May hinaharap na malaking problema ang coal,” ayon kay Christine Shearer, director ng coal programme ng GEM. “Tumatanggi na ang mga komunidad dahil sa antas ng polusyon, nauungusan na ito ng renewable energy sa kalidad at presyo, at umiiwas na rin ang mga institusyong pinansyal, na siyang nagpapahirap sa pagkuha ng pondo para sa industriya ng coal.”
Ang pagsusunog ng coal para sa enerhiya ang pinakamalaking pinagmumulan ng greenhouse gas na galing sa mga aktibidad ng tao, ngunit maaari pa ring dumoble ang paggamit nito, o katumbas ng 40% ng pinagmumulan ng enerhiya pagdating ng 2040 sa Timog-Silangang Asya, ang pinakabulnerableng rehiyon sa pagbabago ng klima.
Read the story in English here.