Paano mangunguna ang Pilipinas sa teknolohiyang floating solar sa Asya

Kung kayang mamalagi ng mga solar panel sa mga katubigan ng isang bansang dinadaanan ng mga bagyo, kaya nitong tumagal saanman sa rehiyon, ayon sa dalubhasa. Papayagan ba ng mga regulator na lumago ang mga kasalukuyang paunang proyekto?

[Tagalog] PH Floating Solar Test Bed Panels
Mga lumulutang na test bed ng solar panel sa distrito ng San Antonio sa Laguna de Bay, Pilipinas. Ipinahayag ng mga kumpanya ng solar katulad ng Ciel et Terre sa mga regulator na nais nilang gamitin ang 10 porsyento ng 95000 ektarya ng lawa, na magbibigay ng higit 9000 megawatt ng likas-kayang enerhiya para sa bansa. Imahe: Sun Asia Energy

Lumulutang ang mga solar panel sa mga katubigan ng San Antonio sa San Pedro, isa sa mga lunsod na nakapalibot sa Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawang tubig-tabang sa Pilipinas na may layong  kilometro sa timog ng Metro Manila, sa hilagang isla na Luzon.

Itinayo noong Marso ng mga kumpanyang SunAsia Energy at Ciel et Terre na dalubhasa sa likas-kayang enerhiya, ang naturang 13-kilowatt na istruktura ay isang eksperimentong tatagal ng isang taon upang makita kung kayang mamalagi ng mga photovoltaic (PV) panel sa lawang may malalakas na alon at hangin.

Siyam na buwan mula nang itayo ito, tumatakbo pa rin ang test bed sa kabila ng pagdaan ng 10 bagyo sa Luzon, ayon kay Karlo Abril, ang namumuno sa proyektong floating solar ng SunAsia. Kasama rito ang bagyong Mitah – ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon na may bugso ng hanging umabot sa 170 kilometro bawat oras, at nagdulot rin ng pagkasawi sa Japan, China, and South Korea.

[Tagalog] screw piles floating pv ph

Mga Ginagamit na screw pile upang iangkla ang mga aluminium frame module sa solar PV test bed sa Laguna de Bay. Imahe: SunAsia Energy Inc

Dahil sa kadalasan ng pagtama ng mga extreme weather event sa lawang may sukat na 911 square na kilometro, gumamit ang mga developer ng tinatawag na screw piling method para sa mga module na nagdadala ng mga solar panel upang makagalaw sila sa mga alon.

Maliban sa mga angkla, may nakakabit sa mga installer na mga recyclable ployehtylene frame, na nagpapatibay sa mga solar panel at makatagal sa mga bugso ng hanging aabot sa 118 milya bawat oras.

Isa ang test bed sa San Antonio sa limang paunang instalasyon ng floating solar sa Pilipinas, at marami sa kanila ang matatagpuan sa Laguna de Bay.

Maraming kumpanya ng solar sa Pilipinas ang nagsimulang maglagay ng mga solar panel sa mga lawa at dam bilang bahagi ng pagsusulong ng pamahalaan na magdagdag ng 2000 megawatt ng kapasidad para sa likas-kayang enerhiya sa loob ng 10 taon.

Nakikita ni Abril ang malaking potensyal ng floating solar sa Pilipinas, isang kapuluan ng mahigit 7500 isla, na mayroong mahigit 200000 ektarya ng lawa at 19000 ektarya ng imbakan ng tubig.

“May potensyal ang Pilipinas ng 11 gigawatt ng floating solar sa loob ng ating bansa kung nasasakop nito ang 5 porsyento ng surface ng katubigan sa ating bansa, na kayang magbigay ng kuryente sa 7.2 milyong tahanan”, sabi ni Abril. “Para sa mga maliliit na isla, maaaring solusyon ang floating solar na palayo sa pampang”. 

Pagtanggap sa pagkakalantad sa mga bagyo

Kung kayang mamalagi ng mga solar panel sa isang bansang tinatamaan ng humigit-kumulang 20 bagyo bawat taon, kayang nilang tumagal sa mga kondisyon sa ibang bansa, ayon kay Dr. Thomas Reindl, ang deputy chief executive ng Solar Energy Research Institute of Singapore.

[Tagalog] Thomas_Reindle

Nagtatalumpati si SERIS deputy chief executive officer Thomas Reindl sa 4th ASEAN Solar + Energy Storage Congress sa lunsod ng Muntimlupa, Pilipinas. Imahe: ASES

“Karamihan sa mga floating solar na aking nakita ay nakalagay sa kalmadong katubigan dahil ito ang pinakamadaling paraan upang iposisyon sila. Kakaunting mga bansa lamang ang may floating solar na nakaposisyon sa mga lugar na malakas ang bugso ng hangin, katulad ng Pilipinas,’ sabi ni Reindl sa Eco-Business sa kalagitnaan ng isang komperensya tungkol sa floating solar sa lunsod ng Muntinlupa sa Pilipinas nitong buwan.

“Dapat tanggapin ng Pilipinas ang pagkakalantad nito sa mga bagyo at magsilbi itong posibleng pagmulan ng impormasyon para sa pagsasaliksik ng mga posibleng solusyon at magamit ang mabubuong kadalubhasaan sa ibang bansang dumaranas ng malakas na bugso ng hangin, katulad ng Japan, Taiwan, at mga isla ng South Pacific.”

Sa Japan at Taiwan, kadalasang gumagamit ang mga sistema ng floating solar ng istrukturang gawa sa bakal o konkreto upang maging mas matibay laban sa mga bagyo, ngunit ayon kay Reindl, sila ay “10 beses na mas mahal kumpara sa mga plastik na pampalutang na ginagamit sa teknolohiyang floating solar.

“Magkakaroon ng kalamangan ang Pilipinas kung makabubuo ito ng mga sulit na solusyong gagana sa mga sitwasyong may malakas na bugso ng hangin”, dagdag niya.

Dapat tanggapin ng Pilipinas ang pagkakalantad nito sa mga bagyo at magsilbi itong posibleng pagmulan ng impormasyon para sa pagsasaliksik ng mga posibleng solusyon at magamit ang mabubuong kadalubhasaan sa ibang bansang dumaranas ng malakas na bugso ng hangin, katulad ng Japan, Taiwan, at mga isla ng South Pacific.

Thomas Reindl, deputy chief executive officer, Solar Energy Research Institute of Singapore

Karapatang pantubig-ibabaw at kinakailangan pang pagsusuri

Sa kabila ng katibayan ng test bed sa San Antonio sa Laguna de Bay, hindi pa naaaprubahan ang malakihang instalasyon – binabalak ang kapasidad na 110MWp. Katulad sa iba pang apat na mga paunang proyekto sa bansa, hinihintay pa ang pagpayag ng mga nangangasiwang regulator dahil wala pang malinaw na patakaran tungkol sa mga water surface right o karapatang pantubig-ibabaw, ayon kay Abril.

“Bago pa [ang teknolohyang floating solar panel] sa mga regulator. Sa lupain, mayroong karapatang panlupain, pero paano natin itatakda ang mga karapatang pantubig-ibabaw? Hindi nagagamit ang daloy ng tubig, hindi kumukuha ng tubig, ngunit nasa ibabaw ito ng tubig. Kailangang pagtuunan ng pansin ang pagtakda ng karapatan sa pag-aari sa ibabaw ng tubig,” sabi ni Abril.

Kailangan ring patunayan ng mga kumpanya ng enerhiyang solar sa mga regulator na hindi makasisira ang sistema ng lumulutang na PV sa mga nabubuhay sa karagatan, lalo na bayang katulad ng San Antonio, kung saan pangunahing hanapbuhay ang pangingisda para sa mga nakatira malapit sa lawa, dagdag ni Abril.

Wala pang ulat mula sa naturang lugar na nagpapakita kung paano naaapektuhan ng mga test bed ang supply ng isda sa lawa ng Laguna, ngunit ibinanggit ni Abril ang pag-aaral ng Asian Development Bank noon 2018 na nagpapakita na sa Vietnam, walang epekto sa natural na tirahan ang unang planta ng floating solar sa isang imbakan ng tubig sa probinsya na Binh Thuan, kabilang na ang supply ng isda.

Maaaring mapabuti ng mga solar panel ang kondisyon sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagharang ng sikat ng araw bago ito tumama sa katubigan, ayon kay Abril. Ito ay makatutulong sa pagbawas ng evaporation at pagpigil ng paglago ng algae, na maaaring makalason sa mga tao at nabubuhay sa karagatan.

Dagdag pa niya, hindi rin maaapektuahn ng nasabing istruktura ang kalidad ng tubig sa lawa, na nagbibigay ng 4 porsyento ng supply ng tubig sa Kalakhang Maynila,

Sa kabila ng mga pahayag ng mga kumpanya ng enerhiyang solar tungkol sa kawalang ng epekto sa saribuhay, gusto pa rin ng mga regulator na maniguro, o ang tinatawag na “precautionary stance”.

Habang nasasabik sa bagong teknolohiya, nagsasagawa ng pagsusuri ang Laguna Lake Development Authority, ayon kay Adelina Santos-Borja, ang kanilang department manager sa ilalim ng Resource Management and Development Department.

“May mga aspetong hindi pa nabibigyang-linaw, kaya kailangang magdahan-dahan. Magkakaroon ng problemang pang-ekonomiya at panlipunan kung hindi natin ito gagawin, dahil maraming gumagamit ng lawa. Pinagkukuhanan ito ng inuming tubig at nagsisilbi ring ruta ng mga manginigsda kung saan sila kumukuha ng pangkabuhayan,” sabi ni Santos-Borja sa Eco-Business.

Idinagdag ni Borja na nagsasagawa ng pag-aaral ang naturang ahensya at hindi pa sapat ang kanilang datos para maaprubahan ang mga paunang proyekto sa mas malakihang pagpapatakbo.

“Kailangan nating hintaying matapos ang mga paunang pagsusuri, na aabot hanggang Agosto 2020. Mula sa mga pagsusuring ito, bubuo tayo ng siyentipikong analisis bago gumawa ng polisiya”, sabi niya.

[Tagalog] Floating solar test beds

May apat na floating solar test bed sa Laguna de Bay, at isa sa dam sa lalawigan ng Isabela sa Luzon. Imahe: SunAsia Energy

Mga trabaho at mas mababang bayad sa kuryente

Kung lalawak ang sakop ng mga test bed nang hanggang 10 porsyento ng lawa, madadagdagan ang mga trabaho para sa mga naninirahan malapit dito at mababawasan ang kanilang gastos sa kuryente, ayon sa Ciel et Terre at mga residente.

[Tagalog] Ferdinand Toga

Mahigit 30 taon nang nangingisda si Ferdinan Toga, katulad ng karamihan sa mga residente ng bayan ng San Anotinio, Laguna. Imahe: Eco-Business

“Kahit sa 10 porsyento, aabot na ito sa higit 9000 ektarya. Katumbas ng isang ektarya ang isang megawatt, ang ibig sabihin ay magbibigay ito ng 9000 megawatt na renewable energy para sa bayan,” pahayag ni Raymond Rodrigo, ang namumuno ng Ciel et Terre sa Pilipinas.

Kailangan ring linisin at panatilihin ang mabuting kondisyon ng sistema, at kailangan rin ng mga guwardiya sa planta, dagdag niya.

Napapatakbo na ng mga paunang proyekto sa palibot ng Laguna de Bay ang mga poste ng ilaw, isang museo, estasyon ng pulis, isang daycare center, at mga bulwagang pampamayanan.

Nakita ni Ferdinand Toga, 52 taong gulang na residente ng San Antonio, at ng kaniyang mga kapitbahay ang pagpapatakbo ng paunang proyekto ng limang air-conditioning unit sa kanilang munisipyo.

Ayon kay Toga, isang mangingisda at ama ng tatlo na kumikita ng USD6 hanggang USD20 bawat araw: “Inaasahan namin na ang proyektong solar ay maaaprubahan para makatulong sa pagbabawas ng gastos sa kuryente, katulad nang nangyari sa aming opisina sa barangay.”

Read the story in English here.

Like this content? Join our growing community.

Your support helps to strengthen independent journalism, which is critically needed to guide business and policy development for positive impact. Unlock unlimited access to our content and members-only perks.

最多人阅读

专题活动

Publish your event
leaf background pattern

改革创新,实现可持续性 加入Ecosystem →