Sa lumalaking bilang ng mga bansang nasa pag-unlad, ang pagpapalawig sa paggamit ng malinis na enerhiya ay isang pakikibagbuno sa paraan ng paggamit ng lupa.
Ayon sa ulat ng McKinsey, ang mga utility-scale na solar at wind farm ay nangangailangan ng hindi bababa sa 10 beses na mas malawak na lupa bawat yunit ng enerhiyang nabibigay kumpara sa mga planta ng coal at gas.
Mahalaga ang pagtugon sa legal na karapatan sa lupa para sa mga solar developers sa Timog-Silangang Asya dahil karamihan sa mga lupaing maaaring gamitin sa rehiyon ay pangunahing ginagamit para sa agrikultura.
Gayunpaman, sa mga arkipelagong o kapuluang bansa tulad ng Pilipinas, maaaring lumitaw ang mga floating photovoltaic (FPV) system bilang isang posibleng solusyon sa paglipat sa gamit ng malinis na enerhiya – bagamat may mga ekolohikal at panlipunang panganib na maaaring bigyang-diin ng mga organisasyon ng lipunang pambayan.
Ang floating solar – na kinakailangan ng paglalagay ng mga photovoltaic panel sa ibabaw ng mga anyong tubig tulad ng mga lawa, imbakan ng tubig o reservoirs, industriyal na mga pond, at mga baybayin – ay maaaring maging “pangunahing haligi sa kinabukasan ng enerhiya sa Timog-Silangang Asya,” ayon sa pagsusuri ng think tank na Rystad Energy.
[Ang Pilipinas, Indonesia, at Thailand] ay may katanggap-tanggap na natural na kalagayan – tulad ng mga anyong tubig sa liblib na lugar o natural na pond – na sadyang akma sa pagtatayo ng FPV, tulad na rin ng mga reservoir at hydropower dam na nababagay sa pagtatayo ng FPV,” sinabi ni Tristan Pheh, isang analyst sa Rystad Energy, sa Eco-Business.
Dadag pa ni Pheh na bagamat ang mga bansa tulad ng Malaysia, Vietnam, at Myanmar ay may sapat na espasyo para sa pagbuo ng solar na nakakabit sa lupa bago sumubok sa malalaking floating solar projects, ang Pilipinas ay may limitadong lupa na maaaring gamitin para sa solar farms nang hindi nakakaapekto sa mga agrikultural na lugar at mga conservation area.
Ang Timog-Silangang Asya, sa kasalukuyan, ay mayroong humigit-kumulang na 500 megawatts (MW) sa operational FPV projects, subalit ito ay inaasahang lumaki pa ng 300 MW ilang buwan lamang pagpasok ng 2024. Mula 2014 hanggang 2020, ang mga ikinabit na FPV sa buong mundo ay lumaki ng higit sa 250 beses, ayon sa ulat ng non-profit na Forum for the Future na Responsible Energy Initiative Philippines.
“Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay wala masyadong [nakakabit] na FPV kumpara sa ibang mga bansa sa ASEAN, ngunit nagpakita ang gobyerno ng Pilipinas ng positibong suporta sa pagpapabilis ng malalaking [floating solar na] proyekto, na maaaring magdulot ng paglago ng kapasidad ng FPV sa loob ng dekadang ito,” dagdag ni Pheh.
Dahil sa maraming proyekto ang kasalukuyang pinoproseso o nasa pipeline, ang FPV ay maaaring bumuo ng 12 porsyento ng kapasidad ng solar ng Pilipinas sa taong 2030, ayon sa Rystad Energy.
Pamumuhunan sa Pagbabago
Ang mga fossil fuel ay nananatiling bumubuo ng malaking bahagi ng energy mix ng Pilipinas, kung saan ang coal ay nag-aambag ng 58 porsyento ng kabuuang enerhiya ng bansa. Tanging 22 porsyento lamang ng kasalukuyang power grid ng arkipelago ang nagmumula sa renewable energy sources, kung saan ang solar at wind facilities ay nag-aambag lamang ng 1.4 porsyento.
Gayunpaman, sa pagpapatupad ng agresibong National Renewable Energy Programme (NREP) ng bansa, mabilis na umangat ang Pilipinas bilang may pinakamalaking renewable energy development pipeline sa Timog-Silangang Asya sa pamamagitan ng pagbibigay insentibo sa foreign direct investment.
Noong huling bahagi ng 2022, binago rin ng Department of Energy (DOE) ng Pilipinas ang mga implementing rules and regulations ng Renewable Energy Act upang buksan ang sektor ng renewable energy sa foreign ownership o legal na pagmamay-ari ng mga dayuhan.
Inilalatag ng NREP ang layunin ng bansa na taasan ang bahagi ng renewables sa kanilang energy mix ng 35 porsyento sa 2030 at 50 porsyento sa 2040. Ang Pilipinas ay may plano na magdagdag ng 17,809 MW ng installed solar at 7,856 MW ng wind capacity sa 2030.
Kasama sa pipeline ang ilang kilalang institusyon sa mga proyektong FPV, kabilang ang Blueleaf Energy at SunAsia Energy Inc na may 1,300 MW floating solar project at 1,000 MW na portfolio sa limang FPV facilities na itatayo ng mga sangay ng ACEN Corp. Ito ay ang energy arm ng Ayala Group – lahat ito ay matatagpuan sa Laguna de Bay, ang pinakamalaking freshwater lake sa Pilipinas na may 30 kilometro timog ng Metro Manila.
Ang mga proyekto ng ACEN ay naaprubahan na ng “green lane” endorsement ng Board of Investments (BOI) ng Pilipinas. Ang “Green lanes” ay ibinibigay ng ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas upang mapabilis ang proseso ng pagkuha ng kinakailangang permit para sa mga estratehikong proyekto.
Ang mga planta ng ACEN ay inaasahang makasakop ng 800 ektarya sa ibabaw ng Laguna de Bay, samantalang ang pasilidad ng SunAsia Energy ay inaasahang magtatakip ng 2,000 ektarya. Ang mga floating facility ay inaasahang magsisimula ng pagtatayo sa 2025 at magsisimula ng operasyon sa komersyo sa 2026.
“
Ang mahalagang panuntunan na isinasabuhay ng Responsible Energy Initiative ay ang kahalagahan ng rights-based approach o pagpapahalaga sa karapatang pantao bilang pamantayan sa pagpapalawig ng lahat ng renewable energy technologies. Kasama na dito ang makabuluhang pakikidulog sa mga maaapektuhang komunidad.
Cynthia Morel, pangunahing strategist, Forum for the Future
Sa isang pahayag, sinabi ni Tetchi Capellan, pangulo at CEO ng SunAsia Energy, na may “malakas na insentibo na magtayo sa tubig” dahil ang “paggamit ng lupa ay nagiging malaking balakid para sa mga renewables.”
Gayundin, sinabi ni Eric Francia, pangulo at CEO ng ACEN, sa isang pahayag na ang kumpanya ay namumuhunan sa FPV upang “palawakin ang mapagkukunan nila ng malinis na enerhiya (bilang assets) habang tinutugunan ang kakulangan sa lupa.”
Sa isang nakaraang ulat, sinabi ng floating solar project lead ng SunAsia Energy na ang Pilipinas ay maaaring makabuo ng 11 gigawatt na enerhiya – sapat upang bigyan ng kuryente ang 7.2 milyong sambahayan – mula sa floating solar sa pamamagitan lamang ng pagtakip ng 5 porsyento ng ibabaw ng tubig ng Pilipinas.
Mga karapatan sa ibabaw ng tubig
Sa paglulunsad ng Responsible Energy Initiative Philippines consortium noong unang bahagi ng taong ito, tinimbang ng Forum for the Future ang sustainability ng mga proyektong FPV sa Pilipinas sa kanilang ulat na Renewable Energy to Responsible Energy: A Call to Action.
“Ang floating solar ay makaka-iwas sa isyu ng pagkuha ng lupa na kalimitang kaugnay ng tradisyunal na solar installations,” sabi ni Cynthia Morel, pangunahing strategist ng Forum for the Future, sa isang panayam ng Eco-Business. “Gayunpaman, may posibilidad ng kompetisyon para sa limitadong mga likas-yaman, tulad ng nakita sa halimbawa ng lawa ng Laguna [de Bay], kung saan maraming kabuhayan ang umaasa sa [nasabing anyong tubig para sa] pangingisda at agrikultura.” .
Sa kabuuang sukat na 90,000 ektarya, ang Laguna de Bay ay mayroon ding 35 na bayan na naninirahan sa baybayin nito. Ayon sa Laguna Lake Development Authority, may mga 13,000 na mangingisda ang umaasa sa lawa para sa kanilang kabuhayan.
Sa isang panayam gamit ang email, binanggit ni Maris Cardenas ng Center for Empowerment, Innovation, and Training on Renewable Energy ang isang ulat ng Commission on Audit noong 2022 na nagsasabing higit sa 40 porsyento ng allowable fishing area ng Laguna de Bay ay nakuha na ng mga pribadong korporasyon — na siyang naglalagay sa mga mangingisdang may maliliit na hanapbuhay sa panganib.
“Ang mga FPV ay maaaring magdulot ng banta sa mga karapatan sa ibabaw ng tubig batay sa kabuuang lugar na ipahihintulot o itatalaga para sa kanila,” sabi ni Cardenas sa Eco-Business. “Maaaring kinakailangan ang isang pag-aaral upang malaman o mai-takda ang limitasyon kung gaano kalaking lugar ang maaaring takpan ng mga FPV. Dapat din ditong isaalang-alang ang bilang ng mga mangingisda at ang lugar kung saan magkakaroon ng [panganganak] ng isda.”
Gayundin, hiniling ni Morel na gumawa ng mga” seryosong hakbang upang ipatupad ang mga umiiral na karapatan ng mga mangingisda.” Dagdag pa niya na ang “paglipat sa enerhiya ay walang saysay kung iiwan nito ang mga pinaka nanganganib at nakakailangan ng tulong na komunidad sa lipunan.”
Bagamat kinikilala na ang pagbibigay lilim ng mga floating solar panels ay maaaring makatulong sa pagbabawas ng mapaminsalang algal blooms at pagpapabuti ng kalidad ng tubig, ang mga eksperto mula sa Forum for the Future ay nagpapahiwatig ng ilang ekolohikal na epekto ng paglaganap ng FPV sa Laguna de Bay, kabilang na dito ang pagka-abala sa pagpapadami ng isda, sedimentasyon, pagkabara ng lupa, at pagguho ng baybayin, at iba pa.
Sinabi ni Morel na ang “rights-based approach” ay kinakailangan upang palawigin ang renewable technologies, na sa sitwasyon ng FPV ay nangangahuluga ng pakikipag-ugnayan sa mga mangingisda kung saan ilalagay ang mga floating solar platforms upang tiyakin na hindi maaapektuhan ang kanilang kabuhayan.