Pangarap ba ng Pilipino ang electric jeepney?

May nakalatag na mapaghangad na plano na elektrisahin ang mga jeepney ng Pilipinas upang mabawasan ang polusyon. Ngunit gusto nga ba ng mga tsuper, operator, at komyuter na palitan ang isang pambansang simbolong pangkultura ng mas modernong uri ng transportasyon?

[Tagalog] electric jeepneys
Pinapatakbo na ang mga elektrisado at solar na jeepney katulad nito sa walong ruta sa Kalakhang Maynila at mga lalawigan. Sapat ang mga upuan nito para sa 20 katao, ngunit parehas ang singil nitong pamasahe sa tradisyunal na jeep. Imahe: Star 8

[Mula sa editor, 9 Marso 2023]: Sundan ang aming pinakahuling pagsusuri sa patuloy na pagsususpinde ng serbisyo ng mga jeepney driver at operator bilang protesta laban sa planong pag-phase out ng gobyerno sa mga tradisyunal na jeepney.

May parating na isang armada ng mga elektrisadong sasakyan sa matrapik na bahagi ng Maynila. Iba ang kanilang disenyo sa kadalasang makikita sa hood o chassis ng karaniwang jeep. Mas tahimik rin ang mga makina at walang maruming usok na ibinubuga.

Tumatakbo ang mga bagong sasakyan sa kuryente mula sa rechargeable na baterya. Mukha man silang mga mini-bus, tinatawag silang electric jeepney: mas malinis na bersyon ng kilalang uri ng pampublikong transportasyon na nasa Pilipinas mula noong 1950s, nang sinimulang gamitin ang mga naiwang sasakyang pangmilitar ng mga Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang maghatid ng mga pasahero.

Hindi man kamukha o katunog ng makukulay na hinalinhan, maaaring maging hari ng kalsada ang mga e-jeepney pagdating ng 2020.

[Tagalog] Colourful electric jeepneys in Makati

Makukulay na elektrisadong jeepney sa Makati. Tumatakbo ang mga e-jeep sa central business district mula noong 2008, bagaman may limitasyon sa kapasidad ng baterya. Imahe: Greenpeace

Noong 2017, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang sinumang sumalungat sa planong pagmomodernisa ng mga pampublikong sasakyan, na naghahangad na palitan ang mga unit na higit sa 15 taong gulang ng mga modernong sasakyan na pasok sa Euro IV standards na mababa ang emisyon – o walang ibinubugang usok, katulad ng mga e-jeepney.

Bahagi ang planong modernisasyon ng malakihang panukala na magbigay ng mas ligtas na sistemang pantransportasyon para sa mga komyuter at bawasan ang polusyon sa hangin. Maaari rin ito maging pasimuno ng pag-usbong ng malinis na enerhiya sa mga masisikip na kalsada ng kapuluan.

Ngunit maaari rin itong magdulot ng pagkawala ng hanapbuhay ng mga tsuper at operator ng jeep, at mag-udyok ng pagtatapos ng paghahari ng isang simbolong pangkultura ng Pilipinas.

Mas bago, mas malinis, pero mas mahal

Bagaman ang jeep ang pinakapopular na paraan ng transportasyon, ito rin ang pangunahing pinagmumulan ng polusyon sa hanging at mabigat na daloy ng trapiko sa mga malalaking lunsod katulad ng Kalakhang Maynila, ang pangatlong pinaka-congested sa Asya.

Ipinakita sa pag-aaral noong 2015 ng Clean Air Asia, isang internasyonal na non-government organization, na ang mga jeep, na kadalasan ay may makinang pinapatakbo ng diesel, ay nagbubuga ng 15492 tonelada ng polusyong particulate matter kada taon. Katumbas ito ng halos kalahati ng lahat ng ganitong uri ng polusyon sa Kalakhang Maynila.

May mga isyung pangkaligtasan ang mga jeep. Ang mga 70-taong gulang na mga naturang sasakyan ay gawa sa mga lumang materyales, walang mga pinto, mayroon lang na metal na hawakan para sa kaligtasan ng mga pasahero, at madalas na maaksidente. Madalas rin silang inaasinta ng mga magnanakaw.

Sinasabi [ng gobyerno] na ginagawa ito para sa kalikasan. Pero sa tingin ko, para talaga ito sa mga malalaking operator na may suporta ng pulitiko na gustong imonopolisa ang industriya.

Ed Sarao, may-ari, Sarao Motors

Tumatagal ng ilang dekada ang mga jeep dahil sa murang transportasyong ibinibigay nito, na may pamasaheng USD0.18, kumpara sa mga bus at tren na may pamasaheng USD0.23 at hindi direkta ang paghahatid ng mga pasahero.

Nakadepende sa jeep ang hanapbuhay ng mga tsuper, operator, mekaniko, at barker na nagtatawag ng ruta sa mga pasahero, at ang kanilang mga pamilya. Sa Kalakhang Maynila, mayroong mahigit sa 118 libong pamilyang nakadepende sa 54843 na mga jeep na dumadaan sa 685 na ruta.

May impluwensyang pampulitika ang mga grupong kumakatawan sa mga operator at tsuper ng jeep, lalo na sa mga lunsod na malakas ang presensya ng naturang sasakyan sa pampublikong transportasyon. Maaaring maparalisa ng isang welga ng nasabing sektor ang mga operasyon sa isang lunsod.

Dahil sa pagwewelga ng mga grupong pantransportasyon mula sa pag-aanunsyo ng planong modernisasyon, nagiging mabagal ang pagpapatupad nito.

[Tagalog] electric jeepney promotion

Noon at ngayon. Ipinapakita ng isang patalastas ng pamahalaan na nagsusulong ng programang modernisasyon kung paano lilipat ang mga pasahero mula sa lumang jeepney na naghubuga ng maruming usok patungo sa moderno at mas malinis na sasakyan. Imahe: Kagawaran ng Transportasyon

Binigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), isang ahensya sa ilalim ng Kagawaran ng Transportasyon, ang mga operator ng hanggang 1 Julyo 2020 upang i-phaseout ang mga lumang jeepney.

Sa ilalim ng programang ito, dapat na mayroong sapat na espasyo sa loob ng mga bagong jeep para sa mga may kapansanan at senior citizen, at mga kagamitan katulad ng GPS at CCTV camera upang pigilan ang mga magnanakaw.

Nagkakahalaga ang isang modernong jeep ng higit PHP1.2 milyon (USD23400). Subalit sa ilalim ng bagong patakaran, kailangang magpatakbo ang mga operator ng sampu o higit pang e-jeep. Kailangan rin nilang ipakita na sila ay ligal na organisasyon upang makakuha ng pondo mula sa mga bangko.

Umaani ng batikos mula sa mga tsuper at operator ang karagdagang gastos ng mga bagong kinakailangang kagamitan.

Ayon kay Ed Sarao, na may-ari ng Sarao Motors na isa sa mga nagpasimuno ng paguturing sa mga jeep bilang pampublikong sasakyan sa Pilipinas, ang planong modernisasyon ay isang aksyong pampulitika at hindi isang tunay na pagtatangka sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas.

“Sinasabi [ng gobyerno] na ginagawa ito para sa kalikasan. Pero sa tingin ko, para talaga ito sa mga malalaking operator na may suporta ng pulitiko na gustong imonopolisa ang industriya. Sila lang ang kayang bumili ng mga sasakyan” ([The government] says it is doing this for environmental reasons. But I think the real reason is that the big operators, mostly backed by politicians, want to monopolise the industry. They’re the only ones who can afford to buy the vehicles), sabi ni Sarao.    

Naglaan ang pamahalaan ng PHP2.2 bilyon (USD43 milyon) para sa planong modernisasyon. Gagamitin ang pondo para isubsidiya ang mga tsuper at operator upang makabili ng mga e-jeepney

[Tagalog] electric jeepyneys Sarao motors

Ginagamit ng modelong elektrisadong jeepney ng Sarao Motors ang anyo ng tradisyunal na sasakyan upang mahikayat ang mga pasaherong mas gusto ang nasabing disenyo. Nag-aalok din ang Sarao ng standard “lunchbox” na modelo, na mas simple at murang likhain na maramihan. Imahe: Eco-Business

Magbibigay ang pamahalaan ng aabot sa PHP80000 (USD1500) kada sasakyan. Subalit ito ay limang porsyento lamang ng kabuuang halaga, at higit na mababa sa buwanang pagbabayad ng PHP21000 (USD405). May pautang na anim na porsyentong interes sa loob ng pitong taon.

Nakakuha ng suporta ang naturang programa mula sa Development Bank of the Philippines na nagpautang ng PHP1.5 bilyon (USD29 milyon) at ang Land Bank of the Philippines na nagpautang ng PHP1 bilyon (USD19.5 milyon) upang tulungan ang mga kooperatiba na bumili ng mga e-jeepney.

Ibinaba sa zero ang taripa sa mga kasangkapan ng e-jeepney, upang makaangkat ang mga tagagawa nito ng mga kagamitan sa mas mababang presyo.

Pumasok sa merkadong automotiko ang Star 8 Green Technology Corp, isang kumpanya ng solar mula sa Australia, na nag-aalok ng paggamit ng kanilang jeepney na pinapatakbo ng kuryente at solar sa mga operator nang walang paunang bayad.

[Tagalog] star 8 electric jeepneys

Mga solar panel sa bubong ng mga e-jeepney. Imahe: Star 8

May armada ang Star 8 ng 500 e-jeepney na may bubong na puno ng solar panel. Aabot sa PHP2 milyon (USD38600) ang isang unit at may kapasidad na tumakbo ng 100 kilometro sa isang punuang karga ng baterya, na may karagdagang 15 kilometro mula sa enerhiyang bigay ng solar sa buong araw.

Ayon kay Ernesto Saw Jr., isang operator at ang chairman ng South Metro Transport Cooperative, hindi kakayanin ng kaniyang kooperatiba ang pagbili ng mas modernong sasakyan. Ngunit sa tulong ng Star 8, nakapagmamaneho ang walo sa kanilang tsuper ng mga e-jeepney nang walang bayad hanggang maaprubahan ang kanilang paghingi ng utang.

Naghahanda ang mga manufacturer kagaya ng Star 8 para sa pag-phaseout ng mga jeep sa pamamagitan ng pagtulong hindi lamang sa mga operator, kundi pati na sa mga komyuter sa pamamagitan ng pagsusubok ng isang app katulad ng Grab sa pagkuha ng sasakyang jeep. Nag-aalok na ng mga e-jeep sa kanilang mga ruta ang Sakay.ph, isang web service mula sa Maynila na tumutulong sa mga komyuter sa kanilang paglalakbay sa loob ng lunsod. Nakikipagtulungan rin ang Comet, isang manufacturer ng e-jeep, sa pagbibigay ng direksyon at ruta sa mga modernong sasakyan.

Wala nang boundary system

Bukod sa mas mataas na halaga ng mga e-jeepney, nais na ipatupad ng programang modernisasyon ang isang sistema ng pamantayan pagdating sa sahod ng mga tsuper. Makatatanggap sila ng minimum wage at mga benepisyo katulad ng bayad sa overtime, social security, pabahay, at healthcare insurance. Magkakaroon ng nakatakdang oras sa pagmamaneho ang mga tsuper at tuluyang papalitan ang boundary system, na nagbibigay-daan sa mga tsuper na mag-renta ng sasakyan mula sa mga operator.

Tutol sa bagong sistema si Rudy Escala, 48 taong gulang at mahigit 30 taon nang nagmamaneho ng jeep. Katulad ng karamihan sa mga tsuper ng jeep, nagbabayad siya ng boundary fee na USD15 bawat araw. Sa pagmamaneho mula 5 AM hanggang 9 PM, minsan umaabot ng USD40 ang kaniyang kita, ngunit USD25 lamang ang kaniyang naiuuwi.

Ayon kay Escala, maaaring sapat ang USD25 upang mapunan ang subsidiya sa e-jeepney sa loob ng dalawang buwan, ngunit wala na siyang maipangtataguyod para sa kaniya at sa apat niyang anak.

“Hindi ko rin gusto ang ideya ng may nakatakdang oras dahil bababa ang kita ko. Kapag ako ang may hawak ng oras ko, kontrolado ko kung gaano kataas ang kikitain ko” (I also don’t like the idea of having fixed hours because I won’t earn as much. When I have my own time, I can dictate how much I make every day),” dagdag niya.

Ayon naman kay Richard Salera, 27 taong gulang na nagmamaneho na ng e-jeepney ng apat na buwan, nakapag-iipon na siya ng mas malaking halaga kumpara sa pagmamaneho ng tradisyunal na jeepney.       

[Tagalog] electric jeepney paying fare

Isang pangangailangan sa bagong sistema sng pampublikong transportasyon ang automated na sistema sa pagsingil ng pamasahe, upang hindi na kailangang ipasa pa ng mga pasahero ang kanilang bayad sa tsuper. Imahe: Eco-Business

“Dati iniuuwi ko ang kita ko araw-araw, pero hindi ako nakapag-iipon. Kapag hawak ko ang pera, napapagastos ako. Ngayon, natututo akong mag-budget dahil hinihintay ko ang sahod ko” (Before I was used to taking home money every day, but I was not able to save. I was always tempted to spend every day because I had cash in hand. Now, I have learned to budget because I have to wait for my salary), sabi ni Salera.

Idinagdag ni Salera na nakatulong ang kaniyang natatanggap na benepisyo sa pagpapabuti ng pamumuhay ng kaniyang pamilya.

“Noon, na-stroke ang nanay ko. Nanghihinayang akong hindi ko siya natulungan sa bayarin sa ospital dahil wala akong health insurance” (Once, my mother got a stroke. I regret not being able to help with the hospital bills because I had no health insurance), sabi niya.

Ngayon ay nagagamit niya ang kaniyang vacation at sick leave upang mapagaan ang kaniyang kalooban dahil hindi siya mababawasan ng sahod sa pagpapahinga.

“Ngayong nakapag-iipon na ako, gusto kong magpatayo ng sarili kong bahay para sa pamilya ko. Nakatutulong ang benepisyong nakukuha ko sa pagmamaneho ng e-jeepney” (Now that I can save, I want to build my own house for my family. The benefits I get from driving an electric jeepney have really helped), dagdag ni Salera.

[Tagalog] electric jeepney passengers

Mga nakaupo at nakatayong pasahero sa loob ng elektrisadong jeepney. Imahe: Eco-Business

Ano ang palagay ng mga komyuter?

Nag-co-commute si Norilyn Canete, 28, papunta sa kaniyang trabaho bilang isang sales clerk sa isang mall sa Muntinlupa. Mas gusto niya ang mas tahimik at malinis na mga bagong jeepney ngunit sa palagay niya ay kulang pa ang kanilang dami.

“Araw-araw akong naghihintay ng ­e-jeepney. Pero kapag masyadong matagal dumating, sumasakay ako sa ordinaryong jeep kasi mas marami” (Every day I wait for the electric jeepney to arrive. But if it takes too long, I just ride the ordinary jeeps, which are more prevalent), sabi ni Canete. “Mas gusto ko ang e-jeep dahil mayroong electric fan para magpalamig ng sasakyan, at mas komportable ang mga upuan” (I prefer the e-jeeps because they have electric fans to keep the cabin cool, and the seats are more comfortable).

Ang mga senior citizen katulad ni Joseph Gagate, 60 taong gulang, ang ilan sa mga lubos na nakikinabang sa mas malalaking e-jeep dahil hindi na niya kailangang yumuko sa pagsakay.

Maganda kung mayroon pa ring mga lumang jeepney, pero siguro kahit sa mga lugar na maraming turista na lang. Tapos na ang mga araw nila sa ating mga kalsada.

Ernesto Saw, Jr., chairman, South Metro Transport Cooperative

“Madalas akong nahihilo sa loob ng jeep dahil sa init, pero ngayong mas malamig, mas maluwag, mas nakaka-relax ako” (I usually feel dizzy inside jeepneys because of the heat, but now that it’s cooler, with more space, I can relax), sabi ni Gagate.

Sa kabila ng mga kalamangan ng mga electric jeepney, may mga pasaherong mas gusto pa rin ang kanilang nakasanayan.

Susundin ni Maria Rezayde Perez, 45 taong gulang, ang iniutos ng pamahalaan, ngunit mas gusto niya ang pagsakay sa mga tradisyunal na jeep sa paghatid sa kaniyang anak sa paaralan araw-araw.

“Ito na ang nakasanayan ko. Tatak Pilipino ang jeepney. Kahit ang mga banyaga ay sumasakay ng jeep. Simbolo ito ng ating bansa”(It’s what I grew up with. Jeepneys are the mark of the Filipino. Even foreigners come here to ride the jeep. It is a national symbol), sabi niya.

Sinabi ni Saw ng South Metro Transport Cooperative na bilang operator, hindi mahalaga sa kaniya ang sentimento kasama sa kinalakihang mga lumang sasakyan. Ang mga jeepney na mula pa sa 1970s ay masisira rin at dati siyang nag-aalala na matetyempuhan ang kaniyang sasakyan ng random inspection at pagmumultahin siya ng aabot sa PHP5000 (USD97) sa bawat maluwag na turnilyo o pundidong bombilya ng ilaw.

“Maganda kung mayroon pa ring mga lumang jeepney, pero siguro kahit sa mga lugar na maraming turista na lang. Tapos na ang mga araw nila sa ating mga kalsada”(It will be nice to have some of the old jeepneys around, but maybe just in tourist areas. On everyday routes, their time has passed), sabi ni Saw.

“Nagbabago ang panahon. Minsan, mainit pero biglang uulan. Kailangan nating alagaan ang ating kapaligiran para sa kinabukasan ng ating mga anak. Mararamdaman na natin ang kalamangan ng solar at elektrisadong enerhiya at balang araw, pasasalamatan tayo ng susunod na henerasyon” (The weather is changing. Sometimes it’s hot then all of a sudden it starts raining. We have to take care of the environment for the future of our children. We’ll soon feel the advantages of solar and electric energy and the next generation will thank us for it), dagdag niya.

Read the story in English here.

Like this content? Join our growing community.

Your support helps to strengthen independent journalism, which is critically needed to guide business and policy development for positive impact. Unlock unlimited access to our content and members-only perks.

Most popular

Featured Events

Publish your event
leaf background pattern

Transforming Innovation for Sustainability Join the Ecosystem →